Manila Girl

Thursday, June 5, 2008

Breakfast at Stephanie's

"VAKLA! Ang tagal kong hindi na-sight ang beauty mo!" bati sa akin ni Stephanie. Ang baklang may-ari ng pinakamasarap na tapsilogan sa buong Balic-Balic. Ito ang paboritong breakfast ko. Araw-araw akong bumibili sa tapsilogan niya kaya naman kilala na niya ako.

"Nagbakasyon lang," tugon ko.

"Ang taray! Nagvakasyon. Ano? Dito ka ba kakain ngayon?"

"Sige dito na lang."

Binalingan nito ang isa pang baklang assistant nito. "Hoy, Vading! Dito kakain si M. Bilisan mo ang order niya. 'Wag mong kalimutan ang toyo at sili!"

Kabisado na nito pati ang order ko. At kahit maraming customer, ako talaga ang inuuna niyang pagbilhan. Parlor ang dating business ni Stephanie. Nang lokohin siya ng lalaking business partner niya and at the same time "papa," isinara nito ang parlor at nagtayo na lamang ng tapsilogan. Mas okey naman daw ang kita dun. Dahil okey ang business, nakalimutan niya ang kanyang broken heart. Kaya ngayon full time career "woman" muna raw ang drama niya.

"Good morning, Stephanie!" wika ng isang paos na tinig.

"At ano naman ang good sa morning eh andito ka?" pagtataray ng bakla.

"Steph, naman! Aga-aga ang init ng ulo mo!"

"Paanong hindi iinit ang ulo ko? Kakain ka na naman dito tapos magpapalista. Hoy, Paos! Hindi ako nagpapa-feeding program, no! Anong palagay mo sa tapsilogan ko, charity? Magbayad ka naman ng utang mo!"

Napapailing na naupo na si Paos sa upuan sa counter na nasa harap ni Stephanie. Si Paos ang masugid na manliligaw ni Steph. Tricycle driver ito. Katamtaman ang katawan, kayumanggi, kulot ang buhok. May itsura naman. Iyon nga lang, paos ang boses nito kapag nagsasalita. Isang depektong taglay na nito pagkabata pa lang.

Nang i-serve ang sa akin ng assistant ni Stephanie ang order ko, agad ko itong nilantakan. Gutom na pala ako. Hindi kasi ako nakapag-dinner kagabi. Panay pa rin ang palitan ng asaran nina Steph at Paos. Napailing na lang ako. Ang sarap talagang mag-breakfast dito. Masarap na ang pagkain, may libre pang entertainment.

Sa likod ko, panay ang harurot ng mga jeep na biyaheng Balic-Balic-Quiapo. Marami kasing pasahero sa umaga kaya naman talagang todo sa pagpasada ang mga ito. Na-miss ko rin ang ingay at gulo ng lugar na ito.

I love Manila as a city. Kahit saan ka lumingon, makakakita ka ng taong naglalakad. Lahat may kanya-kanyang destinasyon. Lahat abala sa kani-kanilang buhay. Ako kaya saan ang destinasyon ko?

Isang subo pa ng tapa at naubos ko na ang almusal ko. Dumukot ako ng singkwenta pesos sa bulsa at lumapit kay Stephanie. "Steph, bayad ko!" putol ko sa bangayan nila ni Paos.

"Salamat, M. Nakalimutan kong sabihin sa iyo. Dumaan dito si Sarah nung isang araw. Nagtatanong kung nakita na raw ba kita. Nagbilin pa nga na kapag nakita raw kita, sabihin ko raw tawagan mo siya," ani Stephanie.

"Sige, Steph. Salamat!"

Naglakad na ako palayo. Ipinagpatuloy naman ni Steph at Paos ang pagbabangayan. Kilala rin si Steph ng mga barkada ko. Madalas kasi kapag tumatambay kami sa bahay, kay Stephanie rin kami bumibili ng pagkain. Minsan dun na kami mismo kumakain sa tapsilogan.

Ano na naman kaya ang pakay sa akin ni Sarah? May bagong naisip na naman sigurong pakulo iyon sa buhay.

Labels: ,

posted by Vanilla Sky at 12:04 PM

0 Comments:

Post a Comment

<< Home